Ay, Bagan!

Binisita naming ang Bagan (Pagan), ang dating kapital ng Myanmar nang ito ay isa pang kaharian. Ito ay isang kagubatan na mahigit 600 kilometro ang layo mula sa kapital na Yangon.

Dinadayo ang Bagan dahil ito ay kagubatan na puno ng mga magkakatabing templo at Pagoda. Libo-libo ang mga templo na itinayo lalo na noong 1100 CE-1300 CE pero dahil sa sunod-sunod na digmaan sa pagitan ng mga kaharian, marami sa mga templo ang nasira. Lalo pang nabawasan ang mga temple nang magkaroon ng earthquake noong Agosto 2016.

Magandang makita ang Bagan mula sa isang mataas na bahagi dahil parang umuusbong ang mga templo mula sa gubat. Pwede rin na makita ang Bagan mula sa mga lobo o balloon rides kaya lang wala nang ticket nang bumisita kami ng Disyembre. Nobyembre pa lang daw, ubos na. Sa dami ng gustong mag-balloon ride, itinaas nila ang halaga ng ballon ride sa 400 USD bawat isang tao.

Mabuti na lang, merong isang templo na maaaring akyatin upang makita ang view na ito: ang Shwesandaw Pagoda na itinayo noong 1057 CE.

Matarik at mataas ang bawat hakbang – narito ang view mula sa taas. TBH, mahirap akyatin at mas lalong mahirap bumaba.

Mainit, buti na lang may buko stall sa ibaba ng templo.

Kung may vertigo kayo, pwedeng nyo rin na makita ang Bagan mula sa Nann Myint, isang watch tower na itinayo noong 2005. Hindi naming ito pinuntahan pero safe ito sa mga hindi kayang umakyat sa matarik na hagdan. May mga tao na hindi naibigan na nagtayo ng ganitong building sa gitna ng mga templo. OP daw.

Sa mga templo sa Bagan, stand-out talaga ang Ananda, na kasalukuyang kinukumpuni.

Ananda Temple

Sa loob ng Ananda Temple

“Me taking a photo of you taking a photo of him.”

Hindi imposible na magkaroon ng temple fatigue. Pero isa sa mga hindi ko makalimutan ang Gubyauknge Temple. May nakadikit na poster sa dingding ng temple na nagsasaad ng sama ng loob ng mga taga-Bagan sa isang foreigner na ayon sa kanila ay nagnakaw ng kanilang mural noong 1899. Ang issue ng pagsoli o pag-repatriate ng artifacts ay isa sa mga kontemporaryong talakayin hindi lang sa Burma, pati din sa ibang bansa na na-kolonya, gaya natin sa Pilipinas.

Isa pang nakakadagdag sa kulay ng Bagan ang mga nagtitinda sa labas ng templo. May mga lacquerware, puppets at paintings.

Pinalad kami na makita ang isang kinatawan ng Kayan ethnic group sa Myanmar. Kilala sila sa pagsuot ng singsing sa kanilang leeg. Naghahabi siya ng scarf sa larawan na ito.

Pinaka-interesado ako sa mga paninda nila na pagkain. Maraming nagtitinda ng papaya salad gaya nito.

Ang dressing ng gulay ay dinikdik na tuyong isda, hipon, mani at lime. Mabait ang mga Burmese. Inalok ako ng tindero na tikman yung pagkain nang makita nya na pinapanood ko siya. Inabutan nya ako ng chopsticks.

 

Mga Paalala sa mga bibisita sa Bagan at Yangon

Ang Bagan ay 1hr at 15mins na biyahe sa eroplano mula sa Yangon. Walong oras ang biyahe kung bus ang sasakyan mula sa Yangon. Heto naman ang kwento nang magpunta kami sa Yangon.

Maghanda ng USD25 bawat isang tao para sa Archeological Fee. Sinisingil ito pagdating pa lang sa airport ng Bagan. May mga ATM pero maraming restaurant na hindi tumatanggap ng credit card. May bayad din sa Nann Myint watch tower na bahagi ng isang hotel.

Maganda at modern ang airport ng Yangon; mas simple pero komportable pa din ang airport ng Bagan.

Para sa akin, sapat na ang day tour sa Bagan. Lipad sa umaga at balik sa Yangon ng hapon. Pero kung may balloon ride kayo, mainam matulog ng isang gabi dahil madaling araw ang take off ng balloon.

Iwanan nyo na muna sa hotel ang inyong shorts at mini-skirts. Magsuot ng damit na natatakpan ang inyong tuhod at balikat (para yan sa babae at lalaki, besh!). Sayang naman kasi kung hindi kayo makapasok sa templo.

Mainit at maalikabok kaya ang hirap magpantalon. Gayahin na lang ang mga locals: magsuot ng longgi (malong sa atin). Hindi lang mga locals, maraming turista ang nagsusuot nito kasi napaka-praktikal. Maraming mabibiling longgi sa Bagan at Yangon.

Mag-tsinelas na lang. Bawal ang sapatos at medyas sa loob ng templo. Sa dami ng templo sa Bagan, hassle ang laging magtanggal at magsuot ng sapatos lalo na kung may sintas o straps! At iiwanan nyo din yan sa labas ng templo bago makapasok.

May mga taxi na maaaring maarkila mula sa airport. Malakas ang loob ng aking travel buddy at sanay sa biyahe kaya ok lang yung ganito. Pero kung gusto nyo na makasigurado sa land arrangement, maraming mga travel agency shops sa Yangon na pwede kayong mag walk-in.#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *